top of page

Special  Program in the Arts

Personal Experience as a Student Teacher

Mark Jon-Jon F. Navida

 

“The true aim of every one who aspires to be a teacher should be, not to impart his own opinions, but to kindle minds.” ~ F. W. Robertson

What Went Right and What Went Wrong

UNANG BIYAHE PATUNGO

SA TINATAHAK NA PROPESYON

 

      Ang lihim na kasiyahan sa anumang gawain ay nakalukob sa isang salita, KAHUSAYAN.

 

     Mula sa pagiging isang mag-aaral sa Kolehiyo ng Edukasyon hindi makukumpleto ang kurso kung walang praktikum. Ibig sabihin aplikasyon ang kailangan sa lahat ng natutuhan sa pag-aaral kaya naman dumating ang ikalawang semestre upang harapin namin ang tunay na realidad ng pagtuturo.

 

     Sa loob ng tatlong buwan ng pamamalagi sa Cooperating School ang Justo V. Imperial Memorial High School na humubog at nagbigay sa akin ng liwanag at puwang upang mas lalo ko pang maunawaan at ibigin ang aking propesyon na tinatahak ang pagiging isang guro.

 

    Sa unang araw ng pagpasok at pagsabak, tila idinuduyan ako sa kawalan, hindi ko mawari ang aking nararamdaman. Halo-halong emosyon- saya, kaba, at animo’y masakit na namamanhid, “ito na ba talaga ang mundo kong kinabibilangan, ang pagtuturo”, “Oo,ito na ang tunay na mundo ng isang guro”, tila bumulong ang hangin. Bago ang taong makakasalamuha. Bago ang paligid. Bago ang lahat. Lahat ng aking makakasalubong ay ngiti at pagbati ang ibinubungad sa akin, kulang nalang ay dikitan ko ng maskarang nakangiti ang aking labi dahil mas namumutawi ang kaba sa akin.

 

   Mula sa aking Katuwang na Guro (Cooperating Teacher), hindi naging madali ang pakikitungo ko sa kanya, marahil takot akong masuri at itama ang mga maling gawi-gawi sa pagtuturo, ngunit dumaan ang mga araw ay naunawaan ko sa pamamagitang ng kanyang mga payo at suhestiyon. Kinakailangan kong matutuhan at maunawaan ang mundo ng pagtuturo sa pamamagitan ng pagpupuno ng mga kaalaman upang ang aking pagkatao ay maihanda sa totoong buhay ng pagtuturo. Mula sa pasunod-sunod na gawain sa loob ng silid-aralan, banghay-aralin, estratehiyang aangkop sa paksa, mga kagamitang pampagtuturo ay binigyang tuon ng aking kaagapay na guro. Hindi naging madali sa akin na makabuo ng inaasahan niyang produkto ngunit sa aking dedikasyon, tiyaga at tiwala sa sarili ay nakagawa ako ng higit pa inaasahan ko. Kaya masasabi ko na, ako ay pinanday ni Gng. Ma. Eleanor Bongcayao, ang Cooperating Teacher sa Off-Campus Practice Teaching.

 

    Hindi makukumpleto ang aking pagtuturo kung wala akong tuturuan. Isa sa mga naging salik kung bakit ako ay nakapagtapos ng praktikum ay dahil iyon sa aking mga mag-aaral. Sila ang nagmulat sa akin sa katotohanan na ang lahat ng mag-aaral ay may kanya-kanyang kakayahan upang maging iba sa karamihan at papaano matuto. Iba’t-ibang ugali ang aking nakasalamuha. Mula sa mga pasaway, makukulit, maiingay, palaging liban, mga mag-aaral na masisipag gumawa ng takadang-aralin, proyekto, awtput at iba pa, mga mag-aaral na “grade conscious” ay ang mga ugaling nagpaintindi sa akin at nagbigay “challenge” upang gumamit/ gumawa ng iba’t ibang estratehiya, mga pagganyak at iba pa upang mas mapalalim ko pa ang kanilang pagkakatuto.

 

   Sa kabila ng pagiging isang Student Teacher ay hindi ako itinuring na isang mag-aaral lamang bagkus isang tunay na guro. Kung ano ang gingawa ng isang tunay na guro ay gayon din kami. Mula sa pagpasok sa tamang oras, pagdalo sa flag ceremony, miting at iba pang okasyon sa paaralan. Maraming karanasang naibahagi sa akin ang praktikum na ito, mula sa sosyal na aspeto patungo sa ispiritwal na pagkatuto. Mga kaugalian at kultura ng lugar na iyon ay aking natutuhan.

 

   Kaya naman lahat ng mga tanong sa aking sarili tungkol sa pagiging isang guro ay akin ng nauunawaan dahil sa mga kaalaman at karanasang ako mismo ang nakasaksi.

 

KAHINAAN:

  • Ang pakikihalubilo at pakikitungo sa mga bagong mukhang makakasalubong sa mismong lugar at  sa loob ng paaralan

 

KALAKASAN:

  • Ang mismong Cooperating Teacher ang nagbigay ng lakas ng loob upang maging isang produktibong guro.

  • Ang ngiti ng bawat mag-aaral sa oras na papasok ako sa araw-araw

  • Ang mga masisigasig at masisipag na mag-aaral

  • Ang pakikitungo ng bawat isa na itinuturing kaming isang tunay na guro.

  • Ang tulong mismo ng paaralan.

 

   Samakatuwid, nararapat lamang na mabigyang halaga at pagtanggap sa mga kahinaan upang ito’y maging pundasyon ng iyong kalakasan. Ang biyaheng ito patungo sa propesyon ay simula pa lang upang maging mas malawak ang aking pag-unawa sa salitang- PAGTUTURO. Ang pag-alam kung paano isasagawa ng mabuti ang isang gawain ay tulay sa KASIGASIGAN.

                                                                                                          

 

MARK JON-JON F. NAVIDA

Student Teacher

 

bottom of page